
Nagpakuha ako ng litrato sa may SM Taytay, requirement kasi ito. Bumalik ako sa bahay para kunin ang registration form. Mage-enroll kasi ako sa may Infotech nung libreng English Proficiency Course. Sumakay ako sa Tikling ng jeep na papuntang Cubao, dadaan naman ito sa sinabi kong eskwelahan.
Napansin ko na maraming taong nakapalibot sa isang sidewalk, banda sa Tropical Hut Taytay sa may Ortigas Extension. Biglang pinatay ng driver ng jeep ang napakalakas na tugtog. Nanghina ang buong katawan ko ng makita ang isang katawan ng lalaki na nakahandusay sa may simento, sa sidewalk, sa tapat ng ilang magkakahilerang establishments. Sa may paanan nya may nakahandusay na motorsiklo. Mukhang dito sya nakasakay dahil duguan sila pareho. Hindi ko alam kung ano ang nangyari sa lalaki dahil naka-helmet naman sya bakit duguan ang itaas na parte ng katawan nya. Sa unang tingin masasabi mo na patay na ang lalaki. Hindi sya mukhang naaksidente sa kalsada dahil nasa sidewalk sya at may railings naman sa sidewalk para hindi maparadahan nga sasakyan at hindi gawing loading at unloading area ng mga pampublikong sasakyan. Katulad ko, nabigla lahat ng kasama ko sa sinasakyan kong jeep. Ang mga tahimik na mga pasahero ay biglang nagsipagsalita at nagpahayag ng kanya-kanyang kuru-kuro sa nakitang eksena.
Naawa ako sa lalaki kahit hindi ko alam kung ano ang nangyari sa kanya. Nasa isip ko ito hanggang makarating ako sa Infotech. Muntik na nga akong lumampas sa bababaan ko dahil dito. Matagal din ang biyahe at sumakay na ulit ako ng jeep pauwi pagkatapos kong maipasa ang form. Nasa isip ko pa din ang nakita ko. Nadaanan ko ulit ang lugar na iyon, akala ko wala na ang lalaking patay, nandun pa ito ngunit ngayon nasa stretcher na ito at tinakapan ng kumot ang buong katawan. Nandoon na din ang S.O.C.O. Sa puntong iyon alam ko na hindi ito ordinaryong aksidente lang. Dumami na rin ang usisero.
Nakauwi ako ng bahay na nasa isip ko pa rin iyon. Naikwento ko pa ito sa mga kasama ko sa bahay dahil mga nagmomotor din ang mga ito at nabigla rin sila. Kanya-kanya din silang teorya kung anong posibleng nangyari sa lalaki.
Hanggang nakarating ang araw na ito. Dumalaw ang pinsan ko at may naikwentong isang krimen na nangyari sa mismong pinagkakitaan ko sa lalaki. Ito na nga ang tinutukoy ko. Sa wakas maliliwanagan na rin ako sa nakita ko at malalaman ko na rin ang tunay na nangyari.
Ikwinento nya na may nangyaring holdap sa lugar na iyon. Isa sa mga establishments na nakatirik doon ay money changer. Ang lalaki pala ay nagtatrabaho sa money changer na ito. Sya ang nagreremit at nagdedeliver ng pera. Inside job daw ang nangyari dahil isa daw sa limang suspek ay nagtatrabaho sa money changer na ito. Magdedeliver na daw ng pera ang biktima ng holdapin ito ng 5 tao. Binaril daw ng mga ito ang biktimasa dibdib ng ilang beses at sa may leeg. Kaya pala puro dugo ang lalaki kahit nakahelmet ito. Kinuha ang pera at mabilis daw na umalis ang mga suspek at sa kanilang pag-alis isang sibilyang naka-motorsiklo ang pinaghinalaan nila na sinusundan sila kaya binaril din ito at namatay ang walang kamuwang-muwang na motorista.
Sa pagkarinig sa kwentong ito, naghalo-halo ang emosyon na dumaloy sa buong pagkatao ko. Mahirap tanggapin ang pangyayari. Naawa ako sa mga inosenteng biktima, nagalit ako sa mga suspek dahil sa ginawa nila para sa pansarili lang nilang kapakanan.
Sa puntong ito nabuksan na naman ang isip ko ukol sa ganitong mga pangyayari. Natakot ako sa mundo. Naawa ako sa mundo. At gayon din sa mga tao. Bakit kailangan magsakripisyo ng ilang mga inosenteng buhay na walang kalaban-laban at nakikipaglaban lang din sa hirap ng buhay. Sa isang iglap mawawala na pala sila sa mundo. Hindi ko alam kung bakit kailangan pang pumatay ng tao. Pare-pareho lang naman tayong may problema, pare-pareho lang naman tayong nahihirapan. Bakit nakakayanan ng isip nila na pumatay? Nagpapakahirap sa pagtatrabaho ang mga tao para mabuhay at dahil may mga binubuhay. Paano na lang ang mga naiiwanan nila? Wala bang mga kamag-anak ang mga pumapatay na iyon? Hindi ba sila nabiyayaan ng puso ng Diyos? Bakit may mga ganon ka-demonyong tao?
Maraming paraan para mabuhay. Bakit ganito ang mga pag-iisip ng tao? May pag-asa pa bang magbago ang lahat? Bakit nagpapatuloy ang mga ganito? Maging sa ibang bansa. Nasaan ang eskwelahan? Nasaan ang simbahan? Nasaan ang mga ulirang mga magulang? Nasaan ang moralidad ng tao? Nasaan ang konsensya?
Nakakalungkot.